Tuesday, November 13, 2012

Falling Star


Hindi ko maintindihan ang pakiramdam. Madilim ang paligid ko. Nilalamig ako. Nalulungkot.


Nandito ako ngayon sa aking kwarto. Pinakikiramdaman ko ang paligid. Tinignan ko ang kalangitan sa labas ng aking nakabukas na bintana. Ganito ang aking ginagawa gabi-gabi. Titingila sa ulap at maghihintay na sana ay makakita ulit ng isang falling star, tanda na ako ay minsan ding nagmahal.

Ngunit wala akong nakita, kahit isang bituin man lang. Umuulan. Maitim ang langit.

Sinarado ko na ang bintana. Umupo ako sa bangkong kaharap ng aking mesa. Hinarap ang diary at hinawakan ang ballpen.

Nag-iisip ako ng kung anong isusulat na pwede ko sanang balikan. Na pwede ko sanang basahin ulit dahil may nakasulat na ikaw.

Oo. Ikaw. Ikaw na siyang pangalawa kong minahal.

Inisip ko ang mga pangyayari sa isang araw na lumipas na naman sa buhay ko. Inisip ko ang mga pangyayaring may kinalaman sa iyo. Kaya lang, sa paghalungkat ko sa bagay-bagay na nangyari sa akin sa araw na ito, ang lungkot. Walang nangyaring nag-uugnay sa akin sa iyo.

Kahit man lang sa pagdaan ko sa corridor ng school, wala akong nakitang ikaw. Kahit sa pag-upo ko sa canteen sa dahilang nagpapatay ng oras, wala pa ring ikaw.

Ano ba, Mahal? Kahit isang bakas ba, ayaw mong ipakita?

At ngayon nga ay nagsimula na akong ilapat ang dulo ng aking ballpen sa diary ko. Sinimulang isulat ang mga pangyayari mula paggising ko. Sinulat ko pati ang nararamdaman ng puso kong wasak sa araw na ito dahil hindi kita nakita.

Pati pait at hinanaing, hindi ko pinatakas sa puwersa ng ballpen ko.

At heto, sa huling talatang isusulat ko sana sa aking diary, bumalik na naman ako sa linyang gabi-gabi na yata ay nasusulat ko sa bawat pahina.

"Ano ba, Mahal ko? Katulad ng falling star na nakita ko minsan sa buhay ko, hinayaan mo ring mahulog ang puso ko sa iyo... mahulog sa isang parte ng aking walang kasiguraduhang mundo."




No comments:

Post a Comment